Music video of S&M by Rihanna courtesy of Youtube
Ala-1:00 ng madaling araw. Kakatapos ko lang magligpit. Sa taong ito, ito na ang pang-5 beses ko na magligpit. Dapat siguro sanay na ko mag-impake ng gamit. Ang problema ko lang lagi ay ang aking kawalan ng maliit na bag. Meron akong mga duffel bag na may gulong, pero wala pa rin akong backpack. Siguro maaagapan na rin yan sa lalong madaling panahon.
Sumakay ako sa kotse. Binuksan ang makina at in-on ang radyo. Ahh. Ang sarap ng pakiramdam.
Ako yung tipong taong mahilig magmaneho. Marami akong kilalang nabubuwisit sa pag-drive. Ako, solb ako. Di ako magpapaka-plastik at sasabihin kong nakakabwisit naman talaga ang mga singit ng singit, o yung mga di sumusunod sa tamang lane, o di kaya ang mga mababagal na tsuper, pero kung tanggalin ko ang mga ito, suma-total, masaya pa rin ako sa pagddrive.
Marahil ito ay dahil lumilinaw ang pag-iisip ko tuwing ako'y nasa likod ng manibela. Nakatingin lang ako sa daan. Ang iniisip ko lang ay ang mga tatatahakin kong daan patungo sa destinasyon ko, at kung nag-eenjoy ba ako sa pinapakinggan ko. Oo, mahalaga sa akin ang musika tuwing road trip.
Sa kasamaang palad, nauna nga ako magkaroon ng iPod sa karamihan, di ko naman ito lubusang ginagamit. Palibhasa, maka-radyo ako. Matagal na rin akong di bumibili ng CD. Download na lang (ssshhh!). Dati, naging habit ko ang pagpunta sa isang record shop sa Makati tuwing sabado ng gabi upang pagmasdan ang manager nun na isang banyaga. Hahaha. Parang timang lang. Siyempre, bibili ako ng CD, di kaya ng VCD/DVD. Bonus na lang ang masulyapan ang crush ko.
Dahil matagal-tagal itong biyaheng di ko naman talaga binalak, minabuti kong magbaon ng CD's. Bago. Kakabili ko lang nung gabi ding yun. Sa makatuwid, matagal ko nang pinagbabalakan ang pagbili ng mga CD's na ito. Kaya pagbaba ko ng parking, deretso ako sa record shop, kinuha ang CD's, nagbayad, at bumalik sa parking. Sa sobrang bilis nitong mga pangyayari, di ko kinailangang magbayad ng parking. Wagi!
Marahil nagtatanong kayo kung ano ang mga binili kong CD. Ito'y walang iba kundi ang "Loud" ni Rihanna, at ang "Greatest Hits...so far" ni Pink. Oo. Parehong babae. Ganap na yata talaga akong bading. Hehehe.
Habang binabaybay ko ang kahabaan ng NLEX, nakikinig ako sa radyo. Pagdating sa SCTEX, isinalang ko si Rihanna. Sa sobrang enjoy ko, at pinaulit-ulit ko pa ang S&M ni Rihanna, di ko namalayang 20 minutes lang eh nasa Tarlac City exit na ako (Sshhh ulit!). Sa kahabaan naman ng MacArthur highway, pinapakinggan ko si Pink at ang kanyang "So What" habang nag-oovertake sa mga nag-puprusisyong trak. Personal record ko na nang makarating ako sa Baguio sa loob lamang ng 5 oras. Partida, wala pa ako tulog niyan, at may gas stops at wiwi breaks pa.
Siguro nga, mahilig lang talaga ako magmaneho dahil napipigilan nito ang aking utak na mag-isip. Nakakapagod din naman kasi na ang sarili mong boses ang napapakinggan mo. Buti na lang at may mga "kasama" ako paakyat. Salamat kay Pink, kay Rihanna, pati na rin sa mga DJ, callers, at recording artists na patugtog ng aking mga preset stations, di ko lubusang naisip na ako'y nag-iisa. At sana, tuloy-tuloy na ito.
Ako di mo ako niyaya. Hmph. Gusto ko pa naman sana makita Panagbenga?
ReplyDeleteKung ako sinama mo, meron ka nang entertainment showcase ^^
Hahaha. Naisip ko ngang, maaari mong talbugan sina Pink at Rihanna pag kasama mo ako. Pero okay lang, Seth. Kelangan ko rin naman magmunimuni. :)
ReplyDelete