Saturday, March 12, 2011

Multo


Marso pa lang, pero parang Halloween na ang nasa isip ko ngayon.  Ewan ko ba.

Hindi ako madaling matakot.  Mahilig pa nga ako manood ng mga horror movies eh.  Madaling magulat, oo.  Pero, awa ng Diyos, di naman ako tumitili.  Lalaking lalaki pa rin ako kung magulat.  Hehehe.  

Kaya, nakakagulat din na yung huli kong pinatulog dito sa unit ko (yes, nakaraan na ito) ay bigla na lang nagtanong kung may third eye ako. 

Sabi ko wala.

May nakita yata kasi siya.  Ewan ko kung naniniwala ako sa kanya.  Matagal na rin naman ako dito.  Mag-isa lang naman ako.  Wala naman ako nararamdaman.  Sumang-ayon naman siya na baka nga dalaw lang yun buhat sa aking mga kapitbahay.  

Kebs.  

--------------------------------------------------

Kaya ako napa-blog ngayon ay dahil sa may nakita akong nag-online sa YM contacts ko.  Matagal ko na rin siyang di nakausap.  Lampas 2 taon na.  Yun ay dahil nung huli ko tinext ang number niya, nakatanggap ako ng text galing sa gf niya na naaksidente siya, at binawian ng buhay.

Kaya, laking gulat ko ng biglang nag-online ang YM ID niya ngayong gabi.  Naka-DND nga lang.  Pero may status message.  Swimming.  Wow, multong lumalangoy.

Matagal ko na rin naman naisip na pineke ako nung text na yun eh.  Ayaw na yata akong kausap.  Kaya, minack ko na lang sa YM: "Maligayang pagdating mula sa kabilang buhay, bro.  Mabuhay!"

Sabay log-out siya.

--------------------------------------------------

Siguro mabuti na rin at nalaman kong ligtas siya.  Nung nalaman ko kasi na may nangyari sa kanya, di ako makakibo.  6 na buwan din naman kami nag-usap nun.  Noong una, buong akala namin pareho, pareho kami ng gusto.  Pero habang tumatagal, naisip ko na parang straight ang phone pal ko.  Sumangayon na rin siya.  At dahil dito, hinikayat ko pa siyang makipagbalikan dun sa ex-gf niya.  Naging sila rin naman.

Isang beses, nasabi lang niya na naaala raw niya yung ex best friend niya sa akin.  Natuwa ako noon.  Matagal na rin kasi akong walang best friend.

Kaya napakalaking kawalan siya nung nawala siya.  Pagkatapos ko matanggap sa sarili ko na di ko na siya makakausap, ginamit ko ang aking "stalking" skills.  Ang pakay ko nun, mabisita man lang siya.  Mag-alay ng konting bagay sa kanyang alaala.  Oo.  Drama na kung drama.  Pero puro dead-end lang ang nahanap ko.  At doon tuloy ako nakapag-isip na napeke ako.

Masakit pala ang di mo alam kung ano ang pinaglalamayan mo - yung pagkakaibigang nawala, o yung pagkamatay niya.

Mula noon, wala na akong naging best friend.

--------------------------------------------------

Ang tagal ko makaisip kung paano ko tatapusin ang post na ito.  Masyado na kasi siyang naging seryoso.  Hehe.

Siguro lang, ang gusto ko lang sabihin, maraming masasamang bagay na hindi natin kayang ipaliwanag.  Bakit hindi tumutuloy ang connection?  Bakit bigla na lang tayo iniiwan sa ere?  Bakit ang hirap makahanap ng kausap?  

Gayunpaman, marami rin namang magagandang bagay na hindi rin kayang ipaliwananag.  Bakit umaasa pa rin tayo?  Bakit napaka-makapangyarihan ng pag-ibig?  Bakit nakakaya pa rin natin na maging malakas?

Marahil, maiintindihan rin natin yan balang araw.  Sa ngayon, ang mahalaga ay maging masaya tayo, at gawin nating masaya ang mga taong nasa buhay natin ngayon.  Wag nating hayaan na makahanap sila ng pagkakataon na makawala.  Hehehe.  At sana nga, tuloy-tuloy na ang pagsasamang ito.

6 comments: