Friday, June 10, 2011

Masungit


Masungit daw ako.

Matagal ko nang hindi maintindihan kung bakit napakarami ang nagsasabi nito.  Ang buong akala ko kasi, masiyahin akong tao, at bibihira lang ako nagiging bugnutin.  

Ang napapansin ko, lagi akong nasasabihang masungit pag nagtetext, o nagcha-chat.  Hindi pa yata ako nasasabihang masungit kapag nakikipag-usap sa telepono o sa personal.  

Marahil, nandun na rin ang pagpili ko ng mga salita.  Di kaya, ang pag-aayos ko ng mga pangungusap.  Maaari rin nga dahil hindi ako madalas gumagamit ng emoticon/smiley.

At dahil diyan, tumatak na sa isip ko na masungit nga talaga siguro ako.  Masungit, pero hindi sinasadya.  Eh nakasanayan ko na kasi, kaya mahirap nang i-review ang mga tina-type, at lalong walang oras na minsan para i-review ang mga ito.

Kaya, laking gulat ko na lang ngayong umaga, nang nakaramdam ako na ang isa kong kausap sa YM ay parang nagsusungit.  Hindi naman daw siya nagsusungit.  Hindi ko rin naman lubusang maipaliwanag nang mabuti kung bakit naramdaman ko na nagsungit siya.  Wala rin ako maimungkahi para baguhin niya ang sinabi niya upang hindi na ito maging masungit.  

Siguro naramdaman ko lang yun dulot na rin ng pagod, at pagkapuyat.  Ang alam ko lang, hindi naging maganda ang pakiramdam ko nun.  Para akong inaaway nang wala naman akong ginawa.  Natutunan ko rin na, madalas, ang mga ganitong pakiramdam, marahil ay guni-guni lamang at hindi pawang katotohanan.  

O baka, dahil kabado lang ako sa mga gagawin ko ngayong araw.  Mukhang masarap ang tulog ko nito mamaya.  Hehehe.


1 comment:

  1. Buti ka nga sa text at chat lang, ako masungit daw in person. And I won't deny it. Haha.

    ReplyDelete