Thursday, June 16, 2011

Ang Paglalaho

Kuha ko ito.  Hindi ito ang pinakamaganda kong kuha kanina, pero pwede na rin. :)

Noong unang mga panahon, ang mga paglalaho ay itinuturing na hudyat mula sa mga diyos tungkol sa mga kaganapan o sakunang parating.  Ngayong umaga, bagamat hindi pa ako natutulog nang maayos, iniisip ko kung may pahiwatig nga ba ang paglalahong ito sa buhay ko.


Hindi naman talaga ako mahilig mag-abang sa mga paglalaho ng buwan man o araw.  Marahil, dahil noong bata pa ako, nakakita na ako ng isa, at naisip ko na pare-pareho lang naman yang mga yan.  Ngayon na medyo marunong na ako mag-isip nang kaunti, hindi rin pala pare-pareho ang mga paglalahong ito, dala na rin sa kung nasaan ka sa buhay mo nang nakita mo ito.

Kaya, ngayong umaga, inihanda ko ang camera ko at ang mga abubot nito, naghanap ako ng maayos na pwesto, at nagsimulang kumuha ng litrato.  Napaisip ako na, maganda sana kung may kasama ako habang naglilitrato.  May kakuwentuhan, kaasaran, at kahalili sa pag-ayos ng tripod at settings ng camera.  Pilit kong tanggalin ang mga kalokohang ito, at inatupag muli ang paglilitrato.

Maya't-maya, natakpan na ng mga ulap ang buwan, at naging mahirap na ang mga tinatangka kong mga kuha.  Nilapitan ako ng gwardiya.  Nagtanong-tanong siya.  Sumagot naman ako.  Konting kuru-kuro.  Nang kumapal na nang husto ang mga ulap, nag-ayos na ako ng gamit at bumalik sa kwarto.

Maganda ang paglalahong nasaksihan ko.  Bihira ka lang makakita ng pulang buwan.  Sa loob-loob ko, pawang nakaramdam ako ng kakaunting pag-asa sa aking paghahanap o paghihintay.  Ito na kaya ang pahiwatig ng buwan ngayong araw sa akin?  Marahil hindi.  Di naman kasi ito nakakapagsalita kaya walang kasiguraduhan.  Ang sigurado ako, sa susunod na paglalaho, nakaabang na ako muli.  At sana, pagdating ng araw na iyon, di na ako nag-iisa.

4 comments:

  1. sana nandiyan lang din siya. nanonood din ng paglaho ng buwan. kasabay mong nangangarap sa pagtatagpo ng inyong landas.

    ReplyDelete
  2. minsan kailangang maglaho ang liwanag upang higit nating maaninagan ang mga pahiwatig na tanging puso lamang ang makakakita...

    ReplyDelete
  3. hindi ko nasaksihan...napahimbing ang aking pag-idlip.

    ReplyDelete
  4. Sean - Aww. Ang ganda naman nun. Kaya kita idol eh. ;)

    Anonymous - Naks. Ikaw na ang pumo-poet! Magpakilala ka! :)

    VS - Ganyan talaga ang mga kagaya mo. Okay lang yan. :)

    ReplyDelete