Kloseta ako. Meron akong mga malalapit na kaibigan, pero hindi nila alam na ganito ako. Isa sa kanila ay bading. Ang siste, di niya yata tanggap sa sarili niya na bading siya. Pero wala naman nang nagtatanong kung bading siya dahil ang alam ng karamihan eh ganun na nga siya. At, kung magkasama man kami, di talaga napag-uusapan ang tungkol dun. Siya na rin ang nagsabi, di pa raw siya kumportable na pag-usapan ang mga ganyang bagay.
Mula noong natanggap ko ang pagiging ganito ko, dalawang tao lang na parte ng buhay ko ang nasabihan ko. Sila ay PLU din. Ang una, isang kaibigan na ngayon ay nasa ibang bansa na. Marahil, naisip niya na dumadaan lang ako sa isang phase noon, kasi, noong pinakilala niya ako sa mga kaibigan niyang PLU rin nung huli akong bumisita, ako raw ang "straight college friend" niya. O baka naman ikinakahiya lang niya ang itsura ko, kasi di ako mukhang beki. Hahaha! Ang pangalawa naman na pinag-aminan ko ay ang taong naging ex ko. Dahil sa mga kaganapan noong nakaraang mga taon na humantong sa pagbasted ko sa kanya, hindi na kami masyado nag-uusap ngayon.
Pero mula noon, hanggang ngayon, marami akong nakakasalamuha. Yung iba mga naging ka-date ko. Dahil nga naman single pa rin ako hanggang ngayon, hindi nakapagtataka na wala ako kinakausap sa kanila ngayon. Yung iba, tawag lang ng laman ang pakay namin pareho noon. Kaya hanggang doon lang ang kwento nila. Pero, paminsan-minsan, may mga tao din naman na maituturing kong kaibigan na pumapasok sa buhay ko. Ang problema lang ay walang nagtatagal sa mga ito.
Yung iba, oras na nagkajowa, wala ka na maririnig. Pag nagkaproblema sa jowa, saka mo lang sila makakausap ulit. Okay lang ito, pero hindi mo sila maaasahan na damayan ka pag kailangan mo sila.
Yung iba, kunwari, kaibigan ang pakay, yun pala, iba. Ang problema dito, kahit malinaw naman ang usapan niyo na kaibigan lang talaga ang hanap mo, nagiging kasalanan mo pa tuloy kung bakit di na kayo nag-uusap (dahil nga, ayaw mong nilalandi ka niya). Pwede rin namang hindi niya sinadyang mahulog ang loob niya sayo, pero naman, kung hindi ka interesado, wag naman niya sana masamain ito. Tutal, kaibigan lang talaga ang pakay niyo noong simula.
Ewan ko ba. Dahil ba sadyang "straight" ang mundong ginagalawan ko, kaya ako hirap magkaroon ng matalik na baklang kaibigan na alam na ganito ako? Di kaya dahil may subconscious competition na nagaganap sa amin, kaya mas kampante ako sa kaibigang mga straight? O dahil lang, marami sa atin talaga, hindi kaibigan ang hanap, kundi partner in life? Hindi ba pwedeng kaibigan na lang ang kasama natin sa pagtanda?
Ewan. Naguguluhan lang talaga ako. Yun lamang po. Bow.