Tuesday, May 24, 2011

Usaping Monogamy


Nagbubukang-liwayway na naman.  At hindi pa rin ako makatulog.  :)

At dahil sadyang malikot ang aking isipan, dumako naman ito sa usapin tungkol sa pagiging "monogamous."  Pinalaki ako sa isang pamilyang monogamous.  Sa katunayan, habang lumalaki ako, wala ako narinig tungkol sa pagtataksil sa aming pamilya.  Hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ito.  

Kaya na rin siguro napakalaking isyu sa akin ang usapin tungkol sa mga "open relationship."  Pero habang tumatagal, ang pananaw ko na lang ay ganito: kung pareho kayo ng partner mong sumang-ayon sa ganung setup, pwes, gawin niyo.  Pero, para sa akin, ito ay isang malaking no.

Gaya ng kinagawian, naisip ko na i-Goolge ang paksang ito.  At ito ang ilan sa mga lumabas:

1 - Isang pag-aaral noong 1999 ng isang Aleman na "sexologist" kung saan sinasabi niya na 83% ng mga pinag-aralang mga bading ay may "extracurricular activities" sa labas ng kanilang mga "steady" relationships sa loob ng nakaraang 12 buwan.


2 - Isang article na sinulat noong 2008 na nagmumungkahi ng 10 hakbang na pwedeng gawin ng isang couple para maging maayos ang kanilang pagsasama, kasama na ang pag-uusap tungkol sa pagiging "open."  May binanggit din siya dito tungkol sa isang pag-aaral kung saan 75% daw ng mga maituturing na matagumpay na pagsasama ng mga bading ay "open."



3 - Isang pag-aaral ng Family Research Council kung saan inihanlintulad ang mga kasal na "straight" at nagsasamang mga bading.  Oo nga't baka may bias ito, pero, nakakapanlumo pa rin ang mga lumabas na resulta:


- 15% lamang ng mga pagsasamang bading ang tumagal ng lampas 12 taon.
- Ang average na "partnered" homosexual sa Netherlands, ayon sa isang pag-aaral, ay may 8 na sexual partners sa isang taon.
- 4.5% lamang ng mga nagsasamang bading na lampas ng isang taon ang totoong sexually monogamous (i.e sila lang talaga ang partner ng isa't isa sa loob ng panahong sila ay nagsama).


http://www.frc.org/get.cfm?i=IS04C02


4 - Isang article na nailathala sa online edition ng The Advocate, kung saan minumungkahi ang Open Relationship bilang susi sa pagtatagal ng isang pagsasamang bading.


http://www.advocate.com/News/Daily_News/2010/01/31/Open_Relationships_Key_to_Gay_Marriage/

Pag ganito nga naman ang iyong mababasa, mabilis ka nga panghinaan ng loob.  Kaya mahirap makipaglaban sa pantay na karapatang pantao para sa ating mga kabaro, dahil hindi nga naman maikakaila ang mga datos kagaya nito.  Bakit ka pa hihingi ng kasal kung mabubuwag din ito?  Bakit ka pa hihingi ng karapatang mag-alaga ng anak kung di naman pala kayo tatagal bilang isang pamilya?  


Oo, sigurado ako meron at meron pa ring success stories diyan.  Pero ika nga, sila ang exception.  Ang mga nasa taas, sila ang rule.


Ano ang nakuha ko sa aking paghahanap at pagbabasa?  Mahirap maging committed na panghabambuhay.  Hindi ito biro.  Mukhang kailangan mo talaga malampasan ang napakaraming balakid.  Naniniwala ba akong may makikilala ako na ganun din ang pananaw?  Oo, pero bihirang-bihira.  Naniniwala ba ako na kahit pareho ang aming pananaw, magiging  panghabambuhay nga ang aming pagsasama?  Mahirap magsalita nang tapos.  Aaminin ko, mas lalo akong natakot sa aking mga nabasa.


Kaya sa mga nagmamahalan diyan, sana alam niyo na ang dapat niyong gawin.  Bahala na kayo kung gusto niyong i-open yang pagsasama niyo sa iba.  Ang mahalaga, alam niyo na dapat tinatamasa niyo ang tamis ng inyong pagsasama kasi bawat segundo nito ay bihirang mahanap ng mga kagaya natin.


Yun lamang po.  Marahil, di na ako makakatulog nito.  :)



Monday, May 23, 2011

Wish Ko Lang


Kalaban ko talaga ang pag-iisip. 

Kanina, maraming mga senaryo ang pumasok na naman sa isip ko.  Ito ay ang mga sumusunod:

1 - Paano kaya kung naging "straight tripper" ako?  May nabasa kasi ako sa isang forum na isang napaka-madamdaming pagdedepensa para sa mga kauri niya.  

"Why identify/label yourself as gay/bi if you don't get emotionally attracted to guys? If you don't believe in genuine same sex relationship? If you don't sleep with guys as frequently.

Kanya-kanyang opinyon naman yan so kung sa tingin nyo hypocrite or in denial yung mga tripper I respect that.

But admit the fact, there are guys out there who would sleep with a guy once in a blue moon. Say thrice a year. Kasi no offence I think bi/gay is a lifetime choice. It's a lifestyle. And a lot of people, especially youngsters made a mistake of identifying themselves as bi/gay kahit hindi naman. It's pre-mature.

So kaming mga trippers we believe na stage lang to it will pass. We will end up loving and marrying a woman in the end."

Himayin natin.  


Emotionally attracted ba ako sa guys?  Check.  
Naniniwala ba ako sa genuine same sex relationship?  Umm, sa panahon ngayon?  No. 
Ganun ba ako kadalas makipagsiping sa kapwa lalaki?  Hahaha.  No!


2 out of 3.  Pwedeng pwede na ako maging straight tripper.  Pak!


Sige, naiinggit ako dahil sa sinabi niya sa huli.  "We will end up loving and marrying a woman in the end."  Feeling ko, napaka-naive ng mga katagang ito, pero tingin ko rin naman, marami ang kagaya niya.  Yung isasantabi lang ang tawag ng laman, at babae pa rin ang pipiliin.  Sa ngayon kasi, di ko talaga kayang piliin ang babae.  Kahit pilitin ko man ang sarili ko.  


Naiisip ko na ito ay buhat na rin ng pagpapalaki sa akin.  Which brings me to number 2.


2 - Paano kaya kung "sex" lang ang habol ko?


Naisip ko na rin dati, "bad" boys have all the fun.  Alam nila ang gusto nila, at nakukuha nila ang gusto nila.  Walang cognitive dissonance.  


For one, sigurado, mas patok ang blog ko.  Pak!


Kaso, hindi talaga eh.  Mabilis ako mapagod sa ganun.  Maghahanap ako ng mas malalim na relasyon.  At, higit sa lahat, hindi talaga siya kakayanin ng konsiyensiya ko.  Oo, may konsiyensiya pa ako.  At kahit ilang beses pa ako makipagtalik, hinding hindi siguro mawawala yun.


3 - Paano kaya kung di na lang ako nag-iisip?


Siguro, di ko na iisipin kung bakit turn off sa akin ang mga taong hindi nag-iisip.  Siguro, okay lang sa akin ang mga mababaw at superficial na tao.  Siguro, kahit sino na lang na interesado, pinatulan ko na (basta pasado siya sa physical standards ko).  Siguro, imbes na humahaba ang panahon na single ako, eh dumarami naman ang mga lalaking nakarelasyon ko.


Pero, naisip ko rin, siguro, di ganito kasagana (Naks!  Masagana!) ang buhay ko.  Hindi rin ako makakaipon ng pwede ko panggastos sa sarili ko, sa mga luho ko, at pati na sa pagtulong sa kapwa.  


Minsan, wala nga naman talagang patutunguhan ang mga naiisip ko.  Pero, minsan, mahalaga din isipin kung bakit ko pinili ang mga pinili ko sa buhay.  Sa gayon, panatag ako na naging tama nga ang mga naging desisyon ko.


At sana, tuloy-tuloy na nga ito.

Thursday, May 19, 2011

Kalayaan


Oo, alam kong sa susunod pa na buwan ang Araw ng Kalayaan natin.  Pero iba lang kasi ang aking nararamdaman sa mga nakaraang mga linggo kaya ang pakiramdam ko, para na rin akong naging malaya.  O natanggal sa pagka-bilanggo.

Dati kasi, mabigat na pasanin ko ang paghahanap ng lalaki.  Lalaking mamahalin syempre, at di yung basta basta lalaki lang.  Hehehe.  Ngunit, habang tumatagal, nakaramdam ako ng iba't-ibang pahiwatig na, marahil, di nga ito ang tamang panahon para diyan.

Naalala ko na, masarap nga pala ang buhay single.  Pwede ako lumuwas nang kahit anong oras.  Pumunta sa kahit saan ko gustong pumunta.  Kaya ayun, kung saan-saan ako napapadpad nitong mga nakaraang linggo.

Pwede ako kumain ng kahit ano, at kung kailan ko gusto.  Pwede ako makipag-usap sa kahit kanino.  Pwede ako magtrabaho para maayos ang career ko, nang walang kailangan pagpaalamanan.

Pwedeng maging makalat ang aking unit.  Pwede akong maging spontaneous sa mga lakad.  Pwede akong manood ng sine sa oras na gusto ko.

Hindi ako agrabyado pag hindi ako nakakatanggap ng text o tawag.  Pag may hindi ako nakikita o nakakausap.  Pag hindi kami sang-ayon sa mga gusto namin.

Higit sa lahat, tipid ako.  Mapag-iipunan ko ang mga gusto kong bilhin at gastusin.  HIndi ko na iisipin ang susunod na date, at kung magkano ang gagastusin sa date (dahil sadyang galante ako.  Hehehe.)

At, ang napansin ko lang, di na ako bitter-bitteran.  Totoong masaya ako.  Tama nga ang lagi kong binibigay na payo.  Di ko kailangan ng lalaki para maging masaya.

Sa makatuwid, matagal ko na ring binabalak ang post na ito.  Di ko lang maisulat nang maigi ang aking saloobin.  Ngunit, sa nag-iisang gabing nanumbalik ang kalungkutan sa akin, napaalala lang sa akin kung bakit masarap pala itong pinili kong buhay.

At sana nga'y, tuloy-tuloy na ito.


Saturday, May 14, 2011

A Caveat

I haven't posted anything here in a while.  I've been much too busy travelling.


And yeah, I'm posting in English again.  Boo me!


In the meantime, this next bit is for some of us out here.  May we all take it to heart.  


"Pride goes before disaster, and a haughty spirit before a fall." (Proverbs 16:18).


Be safe, loves. :)

Thursday, May 5, 2011

Tagaytay

Naging paboritong destinasyon ko na marahil ang Tagaytay.  Kung tutuusin, malapit lang ito sa Maynila, kayang-kaya ang balikan, maraming masasarap na kainan, presko ang hangin, at marami ang magagandang tanawin.  Kaya, nung nagkaroon ako ng panahon nitong nakaraang buwan para umakyat uli dun (kasama ang isang bagong kaibigan), sinamantala ko na ang pagkakataon para makapag-ensayo ng paglilitrato.  At ito ang mga kinalabasan.


Sa Caleruega kami nagtungo para magkuha ng litrato.  Parang ang sarap magpakasal dun.  Asa pa.  Hehehe.

Si Mama Mary


Mga Tanawin


Ang Tugaygayan (Trail)

Presko

Ang Simbahan

Marami pa yang pics, pero siguro hanggang diyan na muna. :)

Wednesday, May 4, 2011

Ang Pagtatapos: Pagpapatuloy

Photo courtesy of search.creativecommons.org


Nakakatawa ang YM ID ko.  Marami ang nagsasabing natutuwa sila dito.  Marami din ang naguguluhan kung ano ang ibig sabihin nito.  Sa katunayan, medyo di na siya applicable sa buhay ko ngayon.  Dati kasi, nung nag-iisip ako nung gagawing ID, naguguluhan pa ako sa sarili ko.  Labing-isang taon na rin ang nakalipas, dala-dala ko pa rin ito.


Mayroong 72 na contacts ang ID ko sa ngayon.  Marahil, marami pang iba akong nakasalamuha sa YM.  Pero di naman kasi talaga pala-gamit ng YM kaya medyo mababa pa ang bilang na yan.


Naisipan ko lang kanina na maglinis ng contacts.  Pinost ko ito sa aking YM status, at nagsimula.  Inisa-isa ko ang mga contacts ko.  Ang tanging batayan ko ay, kung nakakausap ko ba ito, o inaasahang kakausapin pa.  


Ang resulta?  26 na contacts ang natira.


Buhat na rin ng aking pag-announce, maraming nag-message sa akin kung sila ba ay napasama sa aking paglilinis.  Nakakatawa lang kasi, hindi nga sila kasama dun.  Natuwa naman ako kahit papaano, kasi nagpakita sila ng concern na di na nila makakausap.  Akalain mo nga namang may ganun pala.