Photo courtesy of search.creativecommons.org
Sinubukan kong Tagalugin ang "Patience is a virtue." Gaya nang nakagawian na, sinubukan ko ring i-Google ito para makuha ang tamang pagsalin. Ang lumabas sa isa kong pagse-search? "Ang pag-unawa ay kahalagahan." Parang di yun ang gusto ko sabihin.
--------------------------------------------------
Lumaki ako sa pamilyang mainipin. Di naging madali sa akin ang paghintay sa mga bagay-bagay. Habang lumaki ako nang lumaki, at habang lumawak na rin ang aking karunungan/kamalayan, doon ko na rin naisip na may mga bagay talaga tayong di kailangan madaliin. Gayunpaman, isang mahirap na proseso pa rin ang pagdadaanan ko para lang matanggap na matagal ko pa makakamit ang ibang bagay na gusto ko.
May nagsabi sa akin dati na ang mga buhay na pinaghihirapan, minamahal habambuhay. Naalala ko na napatigil ako nung una ko to narinig kasi napaisip ako kung totoo nga ba ito sa lahat ng aspeto. Hanggang ngayon naniniwala pa rin ako dito. Ang kapareha nito, ngunit kasalungat ang pag-ayos, ay ang mga katagang "Easy come, easy go" sa Ingles.
Pero ngayon, naniniwala ako na mas madaling maghintay pag alam mong may kahihinatnan ang iyong paghintay. Kumbaga, may deadline. Paglipas ng deadline, dapat makuha mo na siya, o alam mong kailangan mo na magbago ng stratehiya. At habang wala pa ang deadline, alam mong dapat maghanap ka ng ibang pagbabalingan ng atensyon mo.
Siguro ito ang kulang sa aking pananaw sa aking pakikipagsapalaran sa pag-ibig: ang konsepto ng deadline.
--------------------------------------------------
Magpi-pitong taon na akong single. Nasabi ko na yata yan sa isang post dito. Labing-isang taon ko nang tanggap na bading ako. Humigit kalahati ng panahong ito, nag-iisa lang ako. Sa makatuwid, limang taon pa lang naman ako talaga naghahanap, pero limang mahabang taon din iyon.
Nung unang dalawang taon pagkatapos namin mag-break ng ex ko, di ako naghanap talaga. Tingin ko lang nun, pag-igihan ko ang sarili ko. At umayos nga ang buhay ko. Pagsapit ng ikatlong taon, sabi ko sa sarili ko, ready na ako. At doon naman ako nagsimulang makipagkilala. May mga "close calls" kumbaga, pero wala talaga. Pero ang pakikipagkilala ko pa noon ay parang laro lamang - di ko talaga ito regular na gawain. Pag wala lang maisip na gawin, saka ko ito paggugugulan ng oras.
Pagkaraan ng dalawang taong ganito ang tema, mas pinag-igihan ko ang paghahanap. At ito na nga ang nakaraang tatlong taong. Hindi naging madali sa akin itong mga nakaraang taon.
Pinalaki kasi ako sa paniniwalang pag pinagbutihan mo ang isang bagay, pag ginawa mo ang pinakahusay mo, pag pinagdasal mo, makakamit mo ang kahit na ano. Sa larangan pala ng pag-ibig, hindi ito totoo. Umabot na rin sa puntong pati ang ibang aspeto ng buhay ko naapektuhan na ng kabiguang ito. Kumbaga, kung sa pag-ibig nga di ako naging matagumpay, sa ibang bagay pa kaya?
--------------------------------------------------
Madaling sabihin na hindi hinahanap ang pag-ibig. Lalo na kung di ka umabot sa ganito katagal na single. Mas madali rin siguro kung ang naging karanasan mo ay hindi maganda, o di kaya, wala ka talagang karanasan (NBSB kumbaga), dahil na-trauma ka na nun at hindi mo siya hahanap-hanapin.
Pero hindi ganun ang kwento ko. Okay kami ng ex ko, pero di ko na rin maiisip na balikan siya - kahit na nung isang taon ay gusto pa rin niya yun. At, kahit pa magbago ang isip ko, taken na siya, at masaya ako para sa kanya.
At dahil diyan, nakakaramdam na naman ako ng inip. Di ko lubusang maisip kung ano ang kailangan kong gawin para mawala ito. At mahirap para sa akin na makinig sa mga taong alam kong di naman nakakaintindi sa mga nararanasan ko.
Pag may nakakausap akong okay, naiisip ko agad kung ano ang pwede naming kahihinatnan. Sa loob-loob ko, iniisip ko na dapat mag-hinay hinay lang ako. Pero madalas, di ko talaga kaya ang maging makupad sa aspetong ito. Ang siste, madalas, ako pa ang mas mabagal sa lagay na yan.
Kaya, mas okay din naman ang siguro ang magbagal nang tunay. Wala namang mawawala sa akin kasi nga, kung darating siya, darating talaga siya. Wala akong kakakayahang pabilisin pa ang kanyang pagdating.
Pero sana naman, parating ka na nga.