Saturday, April 9, 2011

Magdiriwang Tayo

Photo courtesy of search.creativecommons.org

Dapat masaya ako ngayon.  Natapos na rin ang ilang buwang kalbaryo ko sa proyektong inasa sa aming pangkat.  Natapos ko rin ang mahigit isang linggong paghahalili sa mga kasama ko sa team (kahit na simula kanina, ako naman ang hahalili sa boss ko hanggang sa susunod na linggo).  At, higit sa lahat, nalaman ko kanina na na may matatanggap akong award.

Nung nalaman ko ito, ang una ko naisipang sabihan ang nanay ko.  Dati naman, mahilig sila makatanggap ng mga ganitong balita.  Ang unang sagot sa text ko ay, "Ah, so may ganun ka na naman?  Pang-ilan na ito?"  Nung sinagot ko pa lang saka ako nakatanggap ng text na, "Congratulations!  Libre mo kami ha?"

Parang ang tuyo ng dating sa akin ng pagbating ito.  Pakiramdam ko tuloy, di talaga sila lubusang natuwa (oo nga't natuwa pa rin kahit papaano) sa nangyari.

--------------------------------------------------

Matagal na akong may isyu sa mga magulang ko tungkol dito.  High school pa lang ako nung una ko ito naramdaman.  At may nagawa na sila dati na kinapikunan ko talaga.  Pero ayoko mag-drama ngayon.  Dapat masaya ako.

Dapat.

Pero napaisip din ako eh.  Sa pagkakataong ito, wala man lang akong ibang nasabihan.  Hindi ko pinagsasabi ito sa mga kaibigan ko.  Marami kasi sa kanila mga kasama ko sa opis, at ayaw kong magkaroon ng inggitan pag nagkataon.  At muli kong naalala na wala pala akong kaibigan na maasahan sa mga ganitong pagkakataon.  Shet.  Drama ulit.  

Erase, erase.

--------------------------------------------------

Kaya, mamarapatin ko na lang na magbahagi ng biyayang ito sa mga kapuspalad.  Siguro naman, mas mabibigyan nila ng halaga ang aking pagtulong.  

Noong bata-bata pa ako, meron na akong mga sinalihang mga grupo na tumutulong sa iba't ibang pangkat.  Susubukan kong manumbalik doon.  Pero mas mainam din kung may iba naman akong matulungan sa pagkakataong ito.

Sa mga iilang nagbabasa ng blog ko, meron ba kayong alam?

Thursday, April 7, 2011

Para sa Parating

Photo courtesy of search.creativecommons.org

Maiba tayo.  Marami nang nagsabi na baguhin ko raw ang aking pananaw.  Wari ko, wala naman mawawala sa akin pag ginawa ko ito.  Ang post na ito ay isang liham para sa taong parating sa buhay ko.  Sana pag nabasa mo ito, matuwa ka.  Okay lang kahit na pagtawanan mo ako.  Pero higit sa  lahat, sana, maramdaman mo kung gaano ka kahalaga sa akin.  

Tinitingnan kita habang mahimbing ang tulog mo.  Magkayakap tayo nang mahigpit.  Humihilik ka, pero di naman malakas.  Natatawa pa nga ako kasi malamang, pag sinabi ko sa yo to mamaya, mahihiya ka.  Kaya baka di ko na lang sasabihin.

Sabi nila dati, masarap daw matulog sa kama ko.  Sana ganun din ang nararamdaman mo ngayon.

Napapaisip ako.  Ang tagal tagal mong dumating sa buhay ko.  Matagal din bago tayo dumating sa ganito.  Andami ko nang "close calls."  Malamang ikaw din.  Pero sa gabing ito, di ko na yun masyado iniisip.  Ang sarap lang isipin na, kailangan ko yun pagdaanan lahat para umabot tayo dito.

Gumalaw ka ng bahagya.  Inayos ko ang kumot sa katawan mo.  Hinalikan kita sa noo.  Umungol ka nang kaunti.  HInigpitan ko ang yakap ko sa yo.

Dati, akala ko, mas masarap matulog pag may katabi.  Di ko akalain na, magpupuyat pala ako.  Parang nakakapanghinayang kasi matulog.  Sayang ang oras para makapiling ka.

Oo, matutulog na rin ako sandali.  Wag ka mag-alala.  Sinigurado ko lang na maayos at mahimbing ang tulog mo.  

Nagdasal ako sumandali.  Dasal na sana, walang masamang mangyari habang tayo'y natutulog.  Dasal na sana, kung ano man to, ito'y magtatagal hanggang maaari.  Dasal na rin ng pasasalamat sa pagkakataong makilala ka.

Pipikit na ko.  Hinalikan kita sa pisngi.  Hinigpitan ulit ang yakap sa yo.  Ang sarap ng pakiramdam ko.  Sana palagi tayong ganito.

Kitakits na lang sa panaginip ko.

Monday, April 4, 2011

Inip

Photo courtesy of search.creativecommons.org

Sinubukan kong Tagalugin ang "Patience is a virtue."  Gaya nang nakagawian na, sinubukan ko ring i-Google ito para makuha ang tamang pagsalin.  Ang lumabas sa isa kong pagse-search?  "Ang pag-unawa ay kahalagahan."  Parang di yun ang gusto ko sabihin.

--------------------------------------------------

Lumaki ako sa pamilyang mainipin.  Di naging madali sa akin ang paghintay sa mga bagay-bagay.  Habang lumaki ako nang lumaki, at habang lumawak na rin ang aking karunungan/kamalayan, doon ko na rin naisip na may mga bagay talaga tayong di kailangan madaliin.  Gayunpaman, isang mahirap na proseso pa rin ang pagdadaanan ko para lang matanggap na matagal ko pa makakamit ang ibang bagay na gusto ko.

May nagsabi sa akin dati na ang mga buhay na pinaghihirapan, minamahal habambuhay.  Naalala ko na napatigil ako nung una ko to narinig kasi napaisip ako kung totoo nga ba ito sa lahat ng aspeto.  Hanggang ngayon naniniwala pa rin ako dito.  Ang kapareha nito, ngunit kasalungat ang pag-ayos, ay ang mga katagang "Easy come, easy go" sa Ingles.

Pero ngayon, naniniwala ako na mas madaling maghintay pag alam mong may kahihinatnan ang iyong paghintay.  Kumbaga, may deadline.  Paglipas ng deadline, dapat makuha mo na siya, o alam mong kailangan mo na magbago ng stratehiya.  At habang wala pa ang deadline, alam mong dapat maghanap ka ng ibang pagbabalingan ng atensyon mo.  

Siguro ito ang kulang sa aking pananaw sa aking pakikipagsapalaran sa pag-ibig: ang konsepto ng deadline.

--------------------------------------------------

Magpi-pitong taon na akong single.  Nasabi ko na yata yan sa isang post dito.  Labing-isang taon ko nang tanggap na bading ako.  Humigit kalahati ng panahong ito, nag-iisa lang ako.  Sa makatuwid, limang taon pa lang naman ako talaga naghahanap, pero limang mahabang taon din iyon.

Nung unang dalawang taon pagkatapos namin mag-break ng ex ko, di ako naghanap talaga.  Tingin ko lang nun, pag-igihan ko ang sarili ko.  At umayos nga ang buhay ko.  Pagsapit ng ikatlong taon, sabi ko sa sarili ko, ready na ako.  At doon naman ako nagsimulang makipagkilala.  May mga "close calls" kumbaga, pero wala talaga.  Pero ang pakikipagkilala ko pa noon ay parang laro lamang - di ko talaga ito regular na gawain.  Pag wala lang maisip na gawin, saka ko ito paggugugulan ng oras.

Pagkaraan ng dalawang taong ganito ang tema, mas pinag-igihan ko ang paghahanap.  At ito na nga ang nakaraang tatlong taong.  Hindi naging madali sa akin itong mga nakaraang taon.

Pinalaki kasi ako sa paniniwalang pag pinagbutihan mo ang isang bagay, pag ginawa mo ang pinakahusay mo, pag pinagdasal mo, makakamit mo ang kahit na ano.  Sa larangan pala ng pag-ibig, hindi ito totoo.  Umabot na rin sa puntong pati ang ibang aspeto ng buhay ko naapektuhan na ng kabiguang ito.  Kumbaga, kung sa pag-ibig nga di ako naging matagumpay, sa ibang bagay pa kaya?

--------------------------------------------------

Madaling sabihin na hindi hinahanap ang pag-ibig.  Lalo na kung di ka umabot sa ganito katagal na single.  Mas madali rin siguro kung ang naging karanasan mo ay hindi maganda, o di kaya, wala ka talagang karanasan (NBSB kumbaga), dahil na-trauma ka na nun at hindi mo siya hahanap-hanapin.

Pero hindi ganun ang kwento ko.  Okay kami ng ex ko, pero di ko na rin maiisip na balikan siya - kahit na nung isang taon ay gusto pa rin niya yun.  At, kahit pa magbago ang isip ko, taken na siya, at masaya ako para sa kanya.  

At dahil diyan, nakakaramdam na naman ako ng inip.  Di ko lubusang maisip kung ano ang kailangan kong gawin para mawala ito.  At mahirap para sa akin na makinig sa mga taong alam kong di naman nakakaintindi sa mga nararanasan ko.  

Pag may nakakausap akong okay, naiisip ko agad kung ano ang pwede naming kahihinatnan. Sa loob-loob ko, iniisip ko na dapat mag-hinay hinay lang ako.  Pero madalas, di ko talaga kaya ang maging makupad sa aspetong ito.  Ang siste, madalas, ako pa ang mas mabagal sa lagay na yan.  

Kaya, mas okay din naman ang siguro ang magbagal nang tunay.  Wala namang mawawala sa akin kasi nga, kung darating siya, darating talaga siya.  Wala akong kakakayahang pabilisin pa ang kanyang pagdating.

Pero sana naman, parating ka na nga.