Sunday, July 3, 2011

Tiwala


Sabi nila, ang tiwala hindi hinihingi.  Ito'y binibigay nang kusa.  Kaya siguro mahirap na rin oras na nasiraa na ang tiwala.  Mahirap, o di kaya'y imposible nang buuin ito muli.

Nitong nakaraang linggo, may mga nakakausap ako na nagpaalala sa akin tungkol sa kahalagaan ng tiwala.

Yung isa, nagkaroon kami ng kuro-kuro tungkol sa pagbibigay ng pangalan.  Oo na't mahalaga ang pangalan sa pakikipagkilala.  Ang problema, maraming mga bagay ang nakakakabit sa pangalan.  Nariyang ang reputasyon.  Ang mga nagawang mabuti o masama man ng tao.  Nariyan yung tinatawag na personang pampubliko ng tao, ang pagpapakilala niya sa nakararami.  Pero, kung tutuusin, hindi ito nakakadagdag sa pagkilala mo sa tao.  

Para sa akin kasi, mahalaga na makilala mo yung tao muna.  Paano siya pag unguarded siya. Pag akala niya walang nakatingin.  Paano siya kausap.  Paano siya mag-isip.  Ito ang makakatulong sa pagkilatis mo kung siya ba yung tipong tao na gusto mo pang makilala nang lubusan.  Hindi na mahalaga kung ano ang tunay niyang pangalan.  Tsaka, sa panahon ngayon, oras na nakuha mo na ang pangalan ng tao, andali na lang para i-stalk siya gamit ang Google at kung ano pang mga pamamaraan.  Shino-shortcut mo ang pagkilala sa tao.  Hindi ito mainam.

Kaya napasok ang tiwala dito kasi nabanggit ng kausap ko na ibig sabihin lang nun, wala pa akong tiwala sa mga nakakausap ko.  Tama naman siya.  At doon ko nga unang nabanggit ang mga salitang, "Trust is not given.  It is earned."  Kunwari lang marunong ako mag-English.  Hehehe.  

Yung pangalawa naman, nag-uusap kami tungkol sa kanyang nakaraan.  At dito rin naman napatunayan ko na mahalaga talagang nakikilala mo ang tao, at hindi ang kanyang reputasyon lamang.  Sa pagkukuwento niya kasi, maayos ang kanyang buhay.  Nagtatrabaho kung saan marami siyang natutulungan.  Marangal ang kanyang pamumuhay.  Matalino din siya.  Masarap kausap.  At, higit sa lahat, matagal sila ng nakaraan niyang ex.  Umabot sila ng higit isang dekada.  Okay na talaga.  Nabubuhayan na ako ng loob na may pag-asa pa pala ang mga kagaya natin.  Hanggang sa tinanong ko kung bakit sila naghiwalay.

"Nagloko ako," sambit niya.  At doon na gumuho ang kanyang sandamakmak na pogi points sa aking paningin.  Ang pinakamahirap na gawin ng mga taong nagtaksil sa isang relasyon, para sa akin, ay ang malinawagan kung bakit sila nagtaksil.  Mabuti sana pag nalaman nila kung bakit.  Magagawan na nila ng paraan ito para hindi na maulit.  

Kaso, hanggang ngayon, wala pa rin akong nakikilalang cheater na nakapagpaliwanag sa akin ng ganun.  Madalas, ang mga nakakausap ko, ayaw na umulit dahil natatakot sila na masaktan ang kanilang mga magiging mahal sa buhay.  Okay ito pansamantala.  Kaso, pag dumating na naman ang pagkakataon (at malamang, darating talaga ito), at hindi pa nila nagagawan ng paraan ang dahil ng kanilang pagtaksil nang una, mas gagalingan na lang nila ang pagtatago ng pagtaksil.  

Tinanong ko ang kausap ko kung sa tingin niya maaulit pa ang pagtataksil niya, kung sakaling magkaroon siya ng bagong relasyon.  Sagot niya, "Hindi ko alam."  Hanga ako sa pagiging honest niya.  Pero hindi ito nakakatulong sa pagbabago niya.  Marahil, darating din ang oras na magbabago siya.  Sana.  Para na rin sa kanyang kapakanan.

Marahil isa yan sa mahabang listahan kung bakit ang tagal ko nang walang partner.  Idagdag mo na rin siguro diyan ang kawalan ko ng itsura at charm.  Hehehe.  Pero, mas pipiliin ko pa talagang maging single kaysa magkaroon ng relasyon na huwad.  Ke open man yan o closed.



1 comment:

  1. Kung sa akin naman, strike while the iron is hot. I really don't drool over knowing someone, kasi at the end it is exciting to know the person's attittude pag kayo na. It'll make the both of you adjust, quarreled and love. Ganun yung sa akin, kaya mostly and tiwala hindi yan sa gaano katagal na kayo- kondi paanu kayo ng strive to understand each other and at the end how do you love him.

    ReplyDelete